Friday, September 25, 2009

USAPANG SALPUKAN
RENATO REDENTOR CONSTANTINO
GMANews.tv
September 24, 2009
Para kay Harley, Tambol at Toktok

May mga bagay na hindi pwedeng ipagkaila.

Halimbawa:

Henyo si Bitoy.

Mas masarap pa rin ang fish ball kaysa squid ball.

Kung naghahanap ng malamig, Sarsi pa rin kahit may Coke, pero mas masarap pa rin ang gulaman kahit may Sarsi.

Kung naghahanap ng tinapang isda, tamban ang piliin.

Kung naghahanap ng matamis na pang-palaman, Lily's Coco Jam. Kung maalat na palaman ang hanap, Reno Liver Spread.

Kung puso sa basketbol ang hanap, si JV Yango ng Tanduay ang dapat una sa pila. Kung puso naman na may kasamang balya, si Onchie dela Cruz ang mangunguna.

Kung magtatapat ang salpukang UFC (Ultimate Fighting Championship) at boksing, pasensya na mga brad, hanggang hindi umuunlad ang kalidad ng mga manlalaban sa koponan ni Dana White, boksing pa rin.

Eto naman kasi ang problema.

Maliban sa iilang mandirigma ng mixed martial arts o MMA na kumpleto ang arsenal at tunay na may dalang bago sa bakbakan – hindi lang angas, tapang ng apog o lakas ng dagok – nakakatamad panoorin ang karamihan ng mga laban. Para bang puros mixed martial lang pero walang arts. At kulang sa science.

Di naman sa minamaliit ko ang mga manlalaban sa MMA.

Nasa Pride FC pa lang lumalaban ang kasalukuyang UFC light heavyweight champion na si Lyoto Machida, sinusundan ko na ang kanyang husay.

Ganun din ang kasalukuyang UFC middleweight champion na si Anderson "Spider" Silva.

Nagkataon lang na pareho silang tubong Brazil pero wala itong kinalaman kung bakit sila lang sa ngayon ang dapat na may hatak para sa akin. (Si Hoyce Gracie at ang mas bagong si Thiago Alves, parehong Brazilian din, ngunit ni minsan hindi ko inabangan o hinanap ang mga laban nila.)

Eh bakit kamo, pano yung ibang kilalang fighter ng UFC?

Ganun din.

Si Rampage Jackson, Wanderlei Silva, ang patawang si Rashad Evans, oo pati si Chuck Liddell – para bang ang gusto lang sapakan. Tira-pikit – hampas, dagok, hagis, upak.

Hayaan mo na kung malamutak ang nguso nila o mapisak ang kanilang ilong o pumutok sa sampung lugar ang kanilang noo. Sige lang basta maka-sapak. Unahan. Baka maka-tsamba. Hataw lang ng hataw. Pag tinamaan nila kalaban, tulog. Pag tinamaan sila ng kalaban, tulog din.

May chess game ang lahat ng laban.

Hindi lang determinasyon o ngitngit o tatag ng loob. Kailangan ng tamang stratehiya. Disiplina ng isip. Pag wala ang mga ito, ayun na nga. Umbagan lang. Nakokornihan ako.

Nauunawaan ko naman na hitik sa stratehiya ang mga gumagamit talaga ng ground game at grappling, pero ito wala akong gana na panoorin ang mga nagyayakapan nang lampas sa ilang minuto. Panahon pa nina Ken Shamrock at Tito Ortiz sa UFC, di ako mahila-hila ng nakikita ko.

Sinusubaybayan ko naman panaka-naka ang MMA – paminsan-minsan may bagong competitor na masarap panoorin dahil sa bitbit nilang natatanging abilidad, pero malimit na nililipat ko ang channel.

Ito naman ang dahilan kung bakit mas nakakaganang panoorin ang mga MMA na laban kung ang mga katulad ni Lyoto Machida ang nasa match-up. Kasi hindi dos por dos na pang rambol ang dalang teknik ng mga katulad niya (iilan lang), kundi patalim, tiempo, balanse at pag-asinta.

Ganun din si Anderson Silva.

Tiyak isang araw, mabubuwal din ang dalawang ito, kung hindi sila maunang mag-retiro. Pero sa ngayon, nasa kanila ang talento, siyensa at disiplina.

Nung nagkasabay ang salpukan ng UFC 103 sa Balls channel at top-rank boksing sa Dos nung isang Linggo, nagpasya ako na silipin ang labanang MMA.

Baka sakaling may maiba, kahit na ang pinagpipilian ko medyo malayo – si Rich "Ace" Franklin laban kay Vitor Belfort para sa main event ng UFC.

Sa kabilang koponan naman, ang "Number One vs. Numero Uno" na sapakan ni Floyd Mayweather, Jr. at Juan Manuel Marquez.

Wala rin.

May inabutan nga akong ilang banggaan sa UFC pero ganoon din.

Hermes Franca laban kay Tyson Griffin; panalo si Griffin. Joss Koscheck versus Frank Trigg; panalo Koscheck. Junior Dos Santos laban kay Mirko Cro Cop; panalo Dos Santos.

Lahat iisa ang drama. Hataw, dakma, tadyak, sakmal, pero wala halos head movement, kokonti ang lateral movement, tapos parang maghihintay ng suntok na parang isang kilometro ang hugot ngunit parang kasing bagal din ng paghigop ng sabaw ang banat.

Sa main event – ganoon din ang kwento.

Wagi si Belfort; tulog ang mabagal na Franklin sa round one. Ang resulta, medyo katulad ng MMA na laban ni Spider Silva sa dating kampyon na si Forrest Griffin (talagang hindi pantay ang kalidad) maliban sa isang bagay: papanoorin mo talaga ang poise, talento, at pag-hihintay para sa tamang tiempo ni Silva.

Parang noong pinutok ni Machida ang lobo ni Evans – dama mo na ang pinapanood mo, cerebral style at aplikasyon ng Shotokan Karate (di lang Brazilian jiu jitsu).

Isang araw, pag naging mas popular ang UFC, tiyak na tataas ang bilang ng mga dekalidad na mandirigma nito. Pero sa ngayon, parang kulang pa. Nakakaaliw lang pero nakakabagot din.

Mabuti na lang inabutan ko pa ang laban sa boksing ng batikang featherweight champion mula sa Indonesia na si Chris John laban sa Mexicanong si Rocky Juarez.

Kamuntik nang mabuwal si John nang magpabaya siya't natamaan ng kaliwa ng Mexicano sa loob ng huling minuto ng Round 12.

Pero dahil iba ang husay ng kanyang boxing, wagi pa rin siya sa lahat ng score card ng mga hurado. Apatnapu't tatlo na ang panalo niya at wala pa ring natatalang talo ang Indones na boksingero.

Kung napanood mo din ang tinaguriang main event, naging saksi ka sa boxing clinic ng saksakan ng yabang ngunit ubod ng husay na si Mayweather. Bilis, depensa, balanse, talas, taktika, footwork, lakas. Nandoon lahat.

Nasa elite level man ang talento ni Marquez, mas malaki si Mayweather at pinakita ng gabing iyon na may ilang milya ang agwat ng kanilang kakayahan.

Minsan lang natumba si Marquez sa ikalawang round ngunit talagang hindi niya maabot ang kalidad ng dating kampyong si Mayweather, na nagbalik mula retirement bunga marahil ng pangangantyaw na di niya hinarap ang mahabang pila ng mga nakaabang na elite fighters tulad ni Miguel Cotto, Paul Williams at si Shane Mosley.

Matagal na ngang dapat nilabanan ni Mayweather si Mosely.

Patas ang kanilang timbang at matagal nang nasa tuktok ng weight class niya si Sugar Shane (na nagpatumba kay Antonio Margarito).

Pero mukhang patuloy na iiwasan siya ni Mayweather. Kaya ayun, wala pa ring respeto ang maraming beteranong boxing fan kay Mayweather.

Sa ngayon, tatlong bagay pa ang maliwanag na lamang ng UFC sa boksing:

1. Si Arianny Celeste.

2. Top quality sportscasting. (pero si Joe Rogan na lang, wag na isama si Mike Goldberg.)

3. Wala pa silang Ronnie Nathanielz na mang-pepeste sa lokal na audience.

Hanggang ngayon – sa dami-dami-dami-dami-dami ng mas mahusay at mas batang lokal na commentator, bakit si Nathanielz pa rin ang pinipili?

Ano ba naman.

Nagsusumikap nang mag-salita ng Filipino si Nathanielz ngayon pero wala, comedy.

Sa tagal-tagal nya sa bansang ito (nag-pugay na siya sa lahat ng kanyang Your Excellencies mula kay Marcos, Cory, Ramos, Estrada at Arroyo) mas mahusay pa yata mag-Bisaya o mag-Tagalog si Don King kumpara sa kanya.

Si Diane Castillejos ang sportscaster na katambal ni Nathanielz nung labanang Mayweather-Marquez. Sana mag-pursigi sya a mag-patuloy dahil malinaw na malalim ang interes niya sa sports at may kakayahan siya.

Dapat din mas dumami talaga ang mga babaeng mamamahayag sa sports.

Pero pakiramdam ko lang, mauuwi ako sa pang-hihinayang kung walang kahandaan si Castillejos na paunlarin ang kanyang obra.

Boksing po kasi ang laban nung gabing nag-tambal sila ni Nathanielz. Boksing. Siyensya. Aesthetics. Walang lugar sa boksing commentary ang "Oh my gosh, oh my gosh, oh my god, oh my gosh!” #

No comments: