BALIK TANAW SA LABANANG MACHIDA VS. RUA
RENATO REDENTOR CONSTANTINO
November 2, 2009
GMANews.tv
Napaaga. Ako mismo nagulat. Pero gaya ng inaasahan, pag-aaralan ng mga mandirigmang matatalino at nakikinig sa kanilang mga trainer si Lyoto "Dragon" Machida, ang bagong kampyon sa light heavyeight ng UFC.
Noong isang linggo, nagharap si Machida at si Mauricio "Shogun" Rua sa unang title defense ni Dragon. Parehong Brazilian, magkaibang istilo, at parehong kinatatakutan.
Unanimous ang decision - panalo si Machida. Pero hanggang ngayon, pinagtatalunan pa rin ang desisyon ng hurado.
Marami ang naniniwala na si Rua ang nagwagi. Marami rin ang nagsasabi na matino ang pagtitimbang ng mga huwes noong gabing iyon. Pero lahat nagsasabi na kinaharap ni Machida ang pinakamatinding pagsubok ng kanyang career.
Nasaktan sya (nag-mistulang galapong ang kanyang mga hita) at pumutok ang labi niya. Sa unang pagkakataon sa UFC, natalo siya ng dalawang round. (Bago niya hinarap si Rua, ni isang round hindi pa siya natatalo; di pa din siya tinatamaan ng matindi ng sinumang kinalaban niya.)
Si Machida ang bagong darling ng marami sa mga tagahanga ng UFC, ang pinakasikat na koponan ngayon ng mixed martial arts o MMA. Kilala si Machida sa dala niyang talas ng isip, disiplina sa pakikidigma at sa kanyang istilong Shotokan Karate na pinamana sa kanyang ng kanyang tatay. Matindi din ang reputasyon ng asintadong mga hataw ni Machida at ang natatangi niyang kakayahan na makaiwas sa mga suntok o sipa ng mga kalaban.
Marami ang umaasa na madali niyang tatalunin si Shogun. Napakarami nga ang nagpahayag- kasama na mga manunulat at mga propesyonal na mandirigma - kung anong round patutulugin ni Dragon si Shogun.
Bakit nga naman hindi ganoon ang magiging konklusyon nila? Head-hunting - ito ang kasaysayan ng halos lahat ng laban ni Shogun. Kilala mang mandirigma sa MMA si Shogun, pabor lagi kay Dragon ang mga manlalabang 'brawler'. Mahirap makalimutan ang pagdispatsa ni Machida sa dating kampyong si Rashad Evans at sa sikat ding si Thiago Silva.
Ngunit unang round pa lang, maliwanag na seryosong pinaghandaan ni Rua si Machida. At si Machida ang nagulat. Siyensya laban sa siyensya. Estetika laban sa estetika.
Ang gara ng kanilang paghaharap.
Sa isang banda, ang asta ng isang karate master, na parang nagwawasiwas ng balaraw at nagpapakawala ng pana, derecho ang likod ngunit may kembot ang baywang kung saan bubulalas ang tadyak, hinihintay magbigay ng katiting na puwang ang kalaban.
Sa kabilang panig naman, ang kiling ni Rua sa classical Muay Thai: marahang umaabante sa pamamagitan ng magaan na kaliwang binti -- dumadapo-dapo ang kaliwang paa sa canvas ng Octagon at tila sinusukat ng tuhod ang katawan ng kalaban. Naka-angat ang nakakuyom na kanang kamao sa tabi ng tila pasuray-suray na ulo habang bukas-sara ang palad ng kaliwa na pumipitik-pitik.
Dalawang hakbang lagi si Shogun. Unang banat, pero hinihintay niya ang inaasahang counter ni Machida, at tuwing pinakakawalan ni Dragon ang kanyang kaliwang suntok o sipa, aatras ng bahagya si Shogun sabay tadyak sa tadyang. Sapol.
Tulad ng dati, tumatama si Machida. Malakas. Matindi. Aabot sa panga o pisngi ni Rua. Pero matibay si Shogun. Iniinda - inuunat pa nga ang braso na parang eroplano para ipakitang walang epekto ang tama sa kanya. Sabay porma uli. Naghihintay. Nanlalanse. Inaakit si Machida na lumusong at mag-commit ng panibagong opensiba o counter. Hindi makita noong gabing iyon ang Shogun na nakilala sa bara-barang banat, na laging nanggigigil na patulugin ang kalaban.
Binasa ni Rua ng husto si Machida at hustong husto rin ang game plan na hinanda ng Team Shogun. Akala ko nga magiging iba ang hatol ng desisyon at malilipat ang titulo kay Rua.
Hindi maliwanag sa akin kung sinong nanalo sa nasabing labanan, bagamat bago nag-umpisa ang salpukan, naka-kiling ako kay Machida. Kung hindi kampyon si Machida at hindi light heaveweight title ang kanilang pinaglalabanan, may posibilidad na 'draw' ang naging pasya ng hurado, kung hindi man si Rua ang kinilalang nagwagi. May posibilidad..
Ngunit bilog ang mundo at hindi nagkulang ang mga opisyal na nagbigay ng hatol sa labanan kahit na sari-saring kantyaw ang inabot nila pagkatapos ng laban.
Sa wari ko, napakahina ng opinyon ng ilan na lutong makaw ang naging desisyon ng hurado ng nasabing laban. Lahat ng pasya ng mga huwes, 48-47 para kay Machida. Ang mga huwes na si Nelson "Doc" Hamilton at Marco Rosales, binigay ang unang tatlong round sa kampyon habang round 2, 3 at 4 naman ang score na pabor kay Machida para sa huwes na si Cecil Peoples.
Daan-daan nang labanang MMA ang iniskoran ng tatlo at, di tulad ng mga manonood na abala sa chanting, sigawan at beer bilang mga spectator, bawat segundo nakatutok ang mga huwes sa labanan na tinitimbang nila batay sa pinanghahawakan nilang kaalaman ng Unified Rules ng MMA ng UFC.
Wika nga ng manunulat ng ESPN.com na si Frank McNell, hindi tamang pagdudahan ang kakayahan at integridad ng mga nasabing huwes. Ang desisyon nila ay batay sa napanood nila mula sa pinakamagandang silya sa buong Staples Center sa Los Angeles, US.
Ang tanong pa nga ni Josh Gross ng kilalang pahayagang Sports Illustrated, baka naman ang malawakang reaksyon ng mga nakapanood ng labanang Machida-Rua ay dahil mababa ang expectation nila, na lalampasuhin ni Dragon si Shogun.
Sinubukan ni Gross na panoorin uli ang laban ng nakapatay ang audio - para hindi madala ng mga hiyawan ng mga nasa Staples center at ang mga opinyon ng mga commentator na si Mike Goldberg at si Joe Rogan. Ang hatol niya - posibleng nanalo si Rua, at posible ding panalo talaga si Machida, pero malinaw na hindi pwedeng sabihin na lutong makaw ang naging desisyon nina Hamilton, Rosales at Peoples.
Ayon kay Kevin Iole ng Yahoo! Sports, ang dapat pa ngang sisihin ay ang Team Rua, na nagpayo kay Shogun - sa baway round - na nananalo siya. Bunga nito, labis na nag-ingat si Rua, at tinimpi ang kanyang agresyon. Si Rua na mismo ang nagsabi na nag-ingat na siya sa huling round dahil akala niya na nananalo na siya.
Kung iginiit ng kanyang kampo na kulang pa ang kanyang nagawa sa huling dalawang round, sa tingin ko kaya niyang agawin ng walang duda ang korona ni Machida.
Tiyak na binasag ni Shogun ang "unbeatable" na imahen ni Dragon sa kanilang unang laban. Nagkaisa na sila, na may basbas ng UFC, na magkakaroon ng rematch.
Sa wakas, may drama na rin ang UFC. May maaasahang labanan na may tunay na paghahanda at na may sapat na atensyon sa stratehiya.
Grabe ang paghanga ko kay Shogun.
Dapat nang kalimutan ang unang salpukan nila. Bagong laban ang Machida-Rua II, at tiyak na aabangan ko ang kanilang muling pagharap.
Pero Pacquiao-Cotto muna. Kung tatanggalin ang watawat ng mga bansa, kanino kayo at bakit? #
NOTES:
1. Frank McNell, "Machida-Rua called as it was seen," Espn.com, 28 October 2009.
2. Josh Gross, "Like most great fights, Machida-Rua will be ongoing story," SportsIllustrated.CNN.com, 26 October 2009.
3. Kevin Iole, "'Shogun' has no one to blame but himself," YahooSports, 25 October 2009.
Photo from LA Times.
No comments:
Post a Comment