Sunday, June 06, 2010

MANIPESTO KONTRA KABABUYAN SA KONGRESO
RENATO REDENTOR CONSTANTINO
GMAnews.tv
June 7, 2010

Pahayag:

Sa okasyon ng pagkakaluklok sa inaheng Gloria Arroyo bilang kinatawan at kuko ng kanyang kalingkingan.

Sa okasyon ng paghirang sa kanyang marangya't mayabang na anak na si Mikey Arroyo bilang Kagalang-galang na Kongresman daw ng mga sikyo at iba pang maralitang kawani sa sa Mababang Kapulungan.

Yayamang, hindi lamang ang Ang Galing Pinoy ng mayamang Mikey ang nakapasok na partylist group sa Kongreso kundi pati na rin ang mga grupong Ang Ganid na Pinoy, Nagoyong Pinoy, Ang Galis Pinoy at iba pa.

Yayamang, lokohan na lang naman yata ang katumbas ngayon ng gawaing dati nating kilala sa katagang "pamamahala".

Tutal, may tatlong taon pa bago mapalitan ang maraming kawatang nagwagi sa katatapos lang na pambansang perya.

Sa harap ng talamak na pambababoy sa Kongreso, sama-sama nating itatag sa araw na ito ang kasapiang kontra-kababuyan sa pamahalaan.

Ang pangalan ng ating partido:

Adhikain ng mga Demoktratikong Maka-Lechon Manok.

Sa madaling salita, Partido Andok.

Ang panawagan natin: tama na, sobra na ang babuyan. (Manukan naman.)

Upang matiyak ang mabilis na paglaganap ng ating organisasyon, simple lang ang mga prinsipyong dapat magsilbing gabay sa atin:

* Paniniwala sa topada ng mga ideya. (Dahil walang iisang wastong doktrina.)

* Katapatan sa pananalapi. (Tulad ng mga kristo.)

* Pagbibigay respeto sa kapwa miembro sa pamamagitan ng paggamit ng fowl language.

* Pagbubuo ng Pambansang Bantayog ng mga Bugok, upang mabantayan ng mamamayan ang mga opisyal na aksaya sa oxygen ng ating bayan.

* Kahandaang hasain at gamitin ang ating mga tari.

* Tiyakin nating mahalal ang mga nominado ng Partido Andok sa susunod na eleksyon. Mas maraming pinaupong manok, mas magaling!

* Mga dorobo lang ang bawal sumapi; lahat ng Pinoy pwedeng sumali sa Andok, tandang man o bata, tindig-itik man o hindi, may kwek-kwek man o wala. (Gender-friendly din pala tayo, kasi "with wings" ang ating partido.)

Mga kasama, gamitin na natin ang ating mga palong.

Huwag na tayong bumalik sa dating buhay-Pinoy na pasa-load sa responsibilidad sa bansa -- "Kung hindi tayo kikilos, baka pwedeng sila? Kung hindi ngayon, pwedeng bukas na?" Bulok ang ulirat na nabubuhay lang pag eleksyon at pagkatapos, natutulog at nagsasarili uli kapag may nahalal na, kontento sa panaka-nakang putak at pag-kikibit-pakpak kahit nararamdaman niyang ginigisa, iniihaw, piniprito na uli siya sa sarili niyang mantika.

Bok! Ang buhay hindi pwedeng panay Chickenjoy.

Kailangang makisangkot pa rin kahit na, o lalo na't lipas na ang halalan, dahil ang pakikisangkot ay sahog sa buhay ng ating bayan.

May eleksyon man o wala, tungkulin nating tumilaok tuwing may panukalang patakaran na baluktot.

Tungkulin nating tumilaok tuwing may katiwalian.

Tungkulin nating sumigaw ng malutong na "Chicken!" tuwing may maaabutan tayong pabaya o nagmamarunong na opisyal sa entablado, telebisyon, dyaryo o radyo.

Sa ating partido, hindi na dapat usapin kung sino ang dati nating kinampanya.

Hindi dapat isyu kung kampi tayo o hindi sa tambalang Penoy-Binay.

Kung sawa ka na sa isang kahig, isang tukang buhay, kung sukang-suka ka na sa pamamayagpag ng interes ng mga baboy, puwes, huwag nang malumbay. Narito na ang samahang mag-aaruga sa iyong mga itlog.

Join ka na, bok.

Maglipat-lipat man ng partido ang mga balimbing sa lehislatura, kung sama-sama tayo, kaya nating pigilan ang rellenong babuyan sa Kongreso.

Huwag matakot, makibaka. Higit sa lahat, makimanok.

Sa pamamagitan ng ating pagkakaisa, maniwala ka, sisiw lahat ng problema. #

Retrato mula sa frontline.ph/rss/read/801898

No comments: