
Keynote speech in Bulacan
I was the town speaker the other week in a magical place in historic Bulacan, a province sweating with history and stories, not to mention great food, rice fields and warm people. The occasion was the 109th Anniversary of the Battle of Qingua in the town of Plaridel. It's the only place in the country that marks this day annually, and since 1999 April 23 has been celebrated by the town of Plaridel as a public holiday to honor the heroes who died defending the country against the troops of imperial America, which had annexed the first republic in Asia called the Philippines.



ANG HUNTAHAN NG MGA MONUMENTO:
ILANG KWENTO MULA KALOOCAN, CLARK AT PLARIDEL
RENATO REDENTOR CONSTANTINO
Talumpati sa okasyon ng ika-109 na taong anibersaryo ng Labanan ng Qingua, Abril 23, 2008, Plaridel, Bulacan
Pagbati po sa inyong lahat.
Gusto ko sanang simulan ang kwentuhan natin ngayon sa pamamagitan ng isang pledge.

Kung hindi mamasamain ni Mayor Vistan, gusto kong ialok sa Bayan ng Plaridel ang isang kumpletong kolekyson ng mga nilimbag na aklat ng Constantino Foundation para sa inyong Aklatang Bayan. At kung hindi din tatanggihan ng mahal nating mayora, gusto kong alokin ang kanyang bayan ng isang serye ng pagsasanay para sa mga guro ng Plaridel para sa darating na bagong semestre. Pangungunahan po ang serye ng pagsasanay ng mga tampok na historyador, manunulat at mga mananaliksik at ang tanging hihingin ng Constantino Foundation bilang kapalit ay ang panahon ng mga guro, maaring isang Sabado o dalawa, depende sa availability ng inyong mga titser. Isang patunay na rin siguro ito ng aming pagsuporta sa mithiin ng inyong bayan.

Kasing laki ng planeta ang interes ko sa kasaysayan, ngunit hindi po ako historyador. Ako po'y manunulat lamang na pilit na nagtatala ng storya ng ating dakilang bayan upang ipamahagi ang mga ito sa iba, nang makapag-buo din ang iba ng sarili nilang kwento. Kaya sa umagang ito, hindi po lecture ang nais kong ibahagi, kundi simpleng salaysay, na maari niyong ituring na pabaon.
Tulad ng marami sa inyo, mahilig din po ako sa musika. Klasikal hanggang rock hanggang sa obrang hindi maintindihan, posible po tayong magkasundo. At sa musika ko rin po nais simulan ang aking talumpati.

Alam niyo po, hindi madaling makalimutan ang pambungad na berso ng kantang Kwarto, na gawa ng sikat at napakahusay na bandang Sugarfree. Ibang klase kasi kung gumawa ng musika ang bandang ito. Napakagaling ng kanilang bahista na si Jal Taguibao, pati na rin ang kanilang bagong lumang drummer na si Kaka Quisumbing, at matinding tagahanga ako ng kanilang makisig na lead singer na si Ebe Dancel. Ngunit napamahal sa akin ang kantang Kwarto bunga ng liriko nito, na sinasabayan ng melodyang parang nakakapagpabagal ng pag-inog ng mundo.
"Naglilinis ako ng aking kwarto," kanta ni Ebe. Isang kwarto "na punong-puno ng galit at damit. / Mga bagay na hindi ko na kailangan. Nakaraang hindi na pwedeng ipagpaliban."


Sa totoo lang, ito ang kantang tumutugtog nang marating ko ang bulwagan ng pamahalaan ng Plaridel. Kagagaling ko lang sa ilang araw na paghuhukay sa mundo ng mga aklat, at kahahalukay ko lang sa isang mahiwagang lugar sa lungsod ng Kaloocan kung saan, lingid sa kaalaman ng mga residente ng nasabing pook, araw-araw na nag-kikindatan at nag-kekwentuhan ang nakalipas at ang kasalukuyan!
Para marating niyo po ang nasabing lugar sa Kaloocan, kailangan niyo pong baybayin ang kalyeng may pangalang Heroes del 96, bilang parangal sa mga bayani ng Himagsikan na pinangunahan ng Katipunan. Pag kumanan po kayo sa dulo po ng kalyeng ito, matutumbok niyo ang kalyeng Vibora at Aglipay. Vibora ang alyas ng rebolusyonaryong si Artemio Ricarte, na lumaban sa mga kolonyalistang Kastila at sa mga mananakop na Amerikano. Aglipay naman ang apleyido ng bayaning si Padre Gregorio, na nagtatag ng Simbahang Aglipayan at itinuring na mahigpit na kalaban ng Amerika.

Nakaayon sa kasaysayan ang pagkakaayos ng mga kalyeng ito, dahil hindi naman talaga natapos ang Rebolusyon ng mga bayani ng 1896 noong taong 1898, kontra sa pangkaraniwang pagkakaunawa ng napakaraming Filipino. Nagpatuloy ito nang salakayin ng mga tropa ng Amerika ang Filipinas; nagpatuloy ito nang durugin ng US ang unang republikang naitatag sa Asia - ang ating bayan.
Nagtagal ang armadong labanan sa pagitan ng Filipinas at ng US ng mahigit isang dekada -- isang walang katapusang dekada -- kung saan tinatantyang umabot sa mahigit isang milyong Filipino ang namatay bunga ng digmaang inilunsad ng Estados Unidos. Ngunit tanungin mo ang sinumang kabataang Filipino ngayon at malamang hindi niya alam na may naganap na digmaan sa pagitan ng ating bansa at ng US, at mas malamang na di niya kilala kung sino si Vibora o si Aglipay. Maliban na lang siguro kung taga-Plaridel ang iyong pinag-tanungan. Sana nga.


Sakaling kumaliwa naman kayo mula sa Heroes del 96, matutumbok niyo naman ang isang kakaibang kalye -- ang Kalye Stotsenburg, isang pasikot-sikot na daan na tinitirhan ng napakaraming pamilya na bahagi ng patuloy na lumalaking hanay ng milyon-milyong maralitang taga-lungsod. Paano nangyari na nagkaroon ng kalyeng ipinangalan kay Col. John Miller Stotsenburg, isang sikat na koronel ng kaaway, isang taong naging bahagi sa pagpapasiklab ng Philippine-American War at namuno sa mga tropang sumalakay at nambusabos sa mga Filipino? Pinilit kong alamin ang mga dahilan sa likod ng misteryong ito at kinatok ko ang sari-saring palapag ng City Hall ng Kalookan, ngunit nananatiling misteryo sa akin kung bakit pinangalan ito kay Stotsenburg at kung sino ang may pakana nito.

HALAGA NG KWENTO
Binabahagi ko ang maikling storyang ito dahil gusto ko lang ipaabot sa inyo ang aking patuloy na pasasalamat sa ambag ng bayan ng Plaridel sa Filipinas, sa pangunguna ng mag-asawang Vistan, partikular si Mayora, sa pamamagitan ng pagyakap sa katwiran. Dito sa Plaridel, hindi misteryo si Stotsenburg at hindi rin kababalaghan kung bakit siya labi ang kanyang maikling buhay dito.

Ngunit narito po tayo ngayon, siyam na taon pagkatapos mabuo ang dambana ng tanyag na iskultor na si Toym Imao na nagmula sa magiting na sambayanang Jolo. Kapwa saksi at kasapi tayo sa hanay ng mga Filipinong marunong kumilala sa mga ninunong nagbuwis ng buhay at dugo upang maitaguyod ang dignidad ng sambayanan. Dahil ang totoo, ang puno't dulo ng mga pakikibaka ng ating mga ninuno ay hindi lamang para sa trabaho't pagkain, kundi para sa karapatang mabuhay ang mga Filipino nang may dignidad.

Malayo pa ang ating lalakbayin at kailangan nating mag-hawak kamay. Alam niyo ba na noong 2003 - apat na taon makalipas pasinayahan ng Plaridel ang dambana ng Labanan ng Qingua bilang pagpupugay sa mga bayaning Filipino imbis na sa dayuhang mananakop - dineklara ng ilang pambansang opisyal ang isang napakalaking parke sa Clark bilang Stotsenburg Park. Nakakamangha at nakakalungkot at nakakapang-ngit-ngit. Hindi ba't nagpasya ang Dakilang Labindalawa ng Senado ng Filipinas noong 1991 na ibalik ang dignidad ng mga Filipino nang bawiin nila ang mga base militar ng US noong nasabing taon?




Mabuti na lang ang pambansang pagtatanggol ay hindi nagpapahinga sa Plaridel.

Mga kaibigan, marami pa po sana akong nais ibahagi ngunit laging kulang ang panahon.
Nang unang ipinaabot sa akin ang paanyayang maging panauhing tagapagsalita ng inyong bayan sa okasyon ng ika-109 na taong anibersaryo ng Labanan ng Qinqua, agad kong tinanggap ang imbitasyon. Sa gitna ng pagbubuo ko ng isang libro tungkol sa kasaysayan, sa naratibo ng paglalakbay at sa heograpiya ng gunita ng ating bansa, maliwanag sa akin na hindi pwedeng tanggihan ang mga pagkakataong tulad nito, isang makasaysayang araw na ipinagdiriwang lamang sa bayan ng Plaridel, lalo na't nandito rin marahil ang presensiya nina Evangelista't Maniquiz, tulad ng nangyari noong 1999 kung saan, ayon kay Ginoong Imao, sa group picture na kinuha sa harap ng dambana pagkatapos ng pasinaya, may makikitang dalawang anomalya. Dalawang sinag ng araw na magkapatong at may maliwanag na hugis ng mukha ng tao. Sa palagay ko, natuwa siguo't dumalaw si Maniquis at si Evangelista dahil naalala sila ng Plaridel.

Ang mga salaysay ng ating kasalakuyan -- kung walang tinitindigang kasaysayan -- ay maaring ituring na "mga rekado lamang sa retorika, hindi natin dugo, laman at buto," wika ng antropolohista't batikang manunulat na si Arnold Azurin. "Kay layo [na] ang mga ito’y maging ating anino. At lalung lalo nang hindi ito [maaring maging] mga buhay na butil na [ma]ipupunla sa ating lupain at kabuhayan at kaisipan.” Tama po siya, at ito na rin siguro ang dahilan kung bakit tayo nagtipon-tipon dito.

“Ganito ang simula," sabi ng makatang si Merlinda Bobis. “Palalayasin natin ang uwak sa utak, / paliliparin palabas ng mata, / padadapuin sa putimputing palad, / kung saan tuturuan siyang / magtiklop ng pakpak, mamatay na uwak / at dumapong salita / sa ulo ng tula.”

Maraming salamat po. #
NOTES:
1. Arnold Azurin, Reinventing the Filipino Sense of Being and Becoming (University of the Philippines Press, Quezon City: 1995)
2. Merlinda C. Bobis, ang lipad ay awit sa apat na hangin (Institute of Women’s Studies, Quezon City: 1990)
All pics by Redster taken in Plaridel except the last pic, with Kala, Luna and Rio, which was taken at the entrance of the Philippine National Museum.
2 comments:
Such elegant writing. Yes, it is true. History is an appropriatable commodity. Both by the Left and by the Right. And by every shade of opinion in between, and even to the Left of the Left and to the Right of the Right. Even after eliminating the crazy extremes, there's still a lot to digest. Which is why your essay on Plaridel is so valuable. It opens the eyes to the reality that there is always more than one side and that sometimes, there may even be no right side.
Thanks for dropping by Marcelo. Balik ka lang. Sides are just two ends. What matters is what's between.
Post a Comment